RP boxers sasabak sa Beijing

Ang dating Asian Junior boxing champion na si Orlando Tacuyan Jr. ang mangunguna sa kampanya ng RP PLDT Boxing team na sasabak sa ‘Good Luck Beijing’ International Amateur Boxing Tournament sa Beijing, China.

Umalis na ang 4 man team kamakalawa patungong Beijing upang lumahok sa Olympic Pre Test run tournament na lalahukan ng mga boxers mula sa Asya, Amerika, Europe at Africa.

Nanalo ang 19-anyos na si Tacuyan ng gold medal sa nakaraang Smart National Open sa Cagayan De Oro City. Kabilang sa tinalo ni Tacuyan, tubong Angeles City at miyembro ng national training pool, ay si Doha Asian Games gold medalists Joan Tipon at national team member Charly Suarez.

Ang sinasabing bagong ring sensation ng bansa ang 5-foot-10 na si Tacuyan na nanalo rin sa Asian Juniors sa Hanaoi Vietnam noong nakaraang taon.

Nag-qualify na si light-flyweight Harry Tañamor para sa Beijing Olympics matapos mag-uwi ng silver medal sa nakaraang AIBA Wold Boxing Championship sa Chicago, Illinois.

Kinapos lamang ng isang panalo sina flyweight Violito Payla at lightweight Genebert Basadre para makakuha ng Olympic berths sa naturang torneo.

Kasama din sa koponan na sinuportahan ng Philippine Sports Commission at Pacific Heights ay sina Godfrey Castro, lightweight Joegin Ladon at welterweight Larry Semillano sa ilalim nina coaches Nolito Velasco at Elias Recaido.

Show comments