Sakaling mag-iba ng ihip ang hangin, si American fighter Rocky Juarez ang posibleng makalaban ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa Marso ng 2008.
Ayon sa 27-anyos na si Juarez, gagawin niya ang lahat ng kanyang magagawa upang maagaw ang suot na World Boxing Council (WBC) super featherweight crown ni Mexican champion Juan Manuel Marquez sa kanilang upakan bukas (Manila time) sa Desert Diamond Hotel sa Tucson, Arizona.
“One thing for sure, I’m definitely bringing all I got,” wika ni Juarez, dalawang beses na nabigong maangkin ang dating suot na WBC belt ni Marco Antonio Barrera.
Matapos ang ikalawang sunod na panalo kay Juarez, natalo naman ang 33-anyos na si Barrera kay Marquez noong Marso 17 para sa WBC super featherweight title at muling nabigo kay Pacquiao sa kanilang rematch noong Oktubre 6.
Nauna nang inihayag ni WBC president Jose Sulaiman na ang 28-anyos na si Pacquiao ang susunod na haharapin ng 34-anyos na si Marquez sakaling manalo kay Juarez.
“Whatever Pacquiao and Barrera brought to the ring was their strategy, but I’m coming in with my strategy and he’s going to be fighting Rocky Juarez, not Pacquiao or Barrera,” wika ni Juarez sa kanilang laban ni Marquez.
Sa pagitan nina Pacquiao at Mexican contender Humberto Soto, bumugbog sa nakababatang kapatid ni Pacquiao na si Bobby Pacquiao, mas pinapurihan ni Juarez ang huli na tumalo sa kanya via unanimous decision para sa WBC interim featherweight title noong Agosto 2005. (R.Cadayona)