Baste umatake sa Shakey’s V-League

Nagpamalas ang San Sebastian ung kahanga-hangang net game kasabay ng solidong depensa upang igupo ang Adamson, 25-20, 25-18, 25-14,  kahapon sa pagsisimula ng kampanya sa Shakey’s V-League 2007-2nd Conference sa Arena sa San Juan City.

Nagpakawala si Thai import Jaroensri Bualee ng 19 hits, kabilang ang 15 power kills, habang nag-ambag naman sina Rysabelle Devanadera at Laurence Ann Latigay ng 13 at 12 points ayon sa pagkaksunod para sa Lady Stags,  na hangad makapagsubi ng championship matapos ang back-to-back runner-up finishes sa tournament na hatid ng Shakey’s Pizza.

Nahirapang tibagin ng Adamson ang depensa ng SSC sa net kung saan nagtala sina Devanadera at Melissa Mirasol ng pinagsamang siyam na blocks na pumigil sa pag-atake ng Lady Falcons.

Maganda rin ang court coverage ng Lady Stags kung saan si Bualee ay may 28 digs kung saan umiskor siya rito ng limang puntos.

Tumapos si Devanadera ng 13 hits habang ang reigning NCAA MVP na si Laurence Ann Latigay, na siyang best player of the game  ay may 12 sa kanyang 13 hits mula sa kills.(RC)

Show comments