Nagtala ng shutout win si dating world 9-ball champions Alex Pagulayan laban kay Frank Alvarez, 11-0, habang dumaan naman sa butas ng karayon si Efren Reyes upang itakas ang 11-10 victory kay Marc Vidal para samahan ang pito pang Pinoy na umusad sa third round ng US Open 9-ball Championship sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake, Virginia nitong Martes.
Nanalo din sina Dennis Orcollo at Rodolfo Luat upang pamunuan ang cast sa Group 2.
Pinabagsak ni Orcollo si Michael Dechaine, 11-5, upang isaayos ang third round duel laban kay David Hunt na nanalo kay Bill McCollim, 11-5, habang tinalo naman ni Luat si Ivaylo Petrov, 11-8,para kalabanin si Ceri Worts na nagtala ng 11-7 upset laban kay dating world champion Earl Strickland ng US.
Susunod na kalaban ni Pagulayan, 2004 world champion si Louis Ulrich, na nanalo kay Jeremy Jones, 11-5, sa third round ng Group I match.
Anim na Pinoy ang nasa Group 3 kung saan kabilang sina Reyes at Alcano na inaasahang maghaharap sa fourth round gayundin sina Francisco “Django” Bustamante at Jose “Amang” Parica sa upper half ng draw.
Si Alcano, nakatakdang magdepensa ng kanyang world 9-ball crown sa Manila sa susunod na buwan ay nanalo kay Paddy McLaughlin, 11-3, upang isaayos ang third round encounter kay Chris Bartrum,na dumaig kay Paul Potier, 11-5.
Makakaharap naman ni Reyes si Alessandro Torrenti, 11-5 winner kay Dave Bellman,
Kung mananalo sina Reyes at Alcano ay maaagang magkukrus ang landas ng dalawa.
Tinalo ni Bustamante si Richie Orem, 11-5,at ang susunod nitong kalaban ay si Joel Gray, na nanaig kay Mark Javis, 11-6, habang iginupo ni Parica si Abdullah El Yousef, 11-5, para sa pakikipaglaban kay Derek Leonard, na nanalo kay Josh Lewis, 11-9 sa upper half ng draw.
Pinabagsak ni Lee Van Corteza si Jason Klatt, 11-9, at susunod nitong kalaban si Niels Feijen, na dumurog kay Don Polo, 11-1, habang namayagpag si Warren Kiamco kay Daniel Madden, 11-4, para kalabanin sa susunod na round si Dan Louie, 11-4 winner kay Barry Boney.
Nakausad din sina Stevie Moore, Tony Robles, Ralf Souquet, Tony Chohan, Johnny Archer, Thorsten Hohmann, Nick Varner, Corey Deuel at Marcus Chamat.