Ang dalawang sinasabing pinakamabigat na koponan ang magiging tampok sa paghataw ng 2nd Conference ng Shakey’s V-League Women’s Volleyball Tournament ngayong hapon sa The Arena sa San Juan.
Magtatagpo ang nagdedepensang De La Salle University at ang University of Sto. Tomas sa ganap na alas-5 ng hapon matapos ang banggaan ng Adamson University at Far Eastern University sa alas-3.
Target ng mga Lady Archers na makuha ang kanilang pang apat na korona, habang hangad naman ng mga Tigresses na masagpang ang kanilang pangalawang sunod na titulo matapos pagreynahan ang 1st Conference.
“Siguro pagandahan na lang ng gising ang labanan sa opening kasi halos balanse naman lahat ng teams ngayon eh,” wika ni coach August Sta. Maria ng UST, winalis ang San Sebastian College-Recoletos, 2-0, sa kanilang best-of-three championships series noong Hulyo.
Matapos mamayani ang España-based belles, itatampok si Suzanne Roces bilang guest player, sa inaugural tournament noong 2004, ang La Salle naman ang nagdomina sa sumunod na tatlong kumperensiya.
“Most of my players in the three-peat squad have graduated so the team is practically composed of junior players. This is an adjustment period for us,” sabi ni mentor Ramil de Jesus sa mga Lady Archers, ipaparada si Maureen Penetrante bilang guest player.
Sa inisyal na laro, kapwa asam naman ng Lady Falcons at Lady Tams na masikwat ang una nilang panalo makaraang magtapos bilang sixth at seventh placer, ayon sa pagkakasunod, sa 1st Conference. (Russell Cadayona)