MANCHESTER, England — Magiting na lumaban si Alexander Briones ngunit sa katapusan ay bumigay sa 5-1 decision kontra sa 16 anyos na si Aaron Cook sa pagtatapos ng World Taekwondo Qualifying para sa 2008 Olympics sa Manchester Evening News Arena dito.
Dikit ang laban hanggang ikatlong round nang magdesisyon ang reperi na bigyan ng dalawang sunod na puntos ang Briton matapos ang mahigpitang pagpapalitan para iposte ang 5-2 abante sa kanilang 80 kgs. preliminaries.
Prinotesta ni National men’s team coach Roberto ‘Kitoy’ Cruz ang iskor na pansamantalang nagpahinto sa mga reperi at nakipag-usap sa chief referee. Ngunit sa dulo ay nasustina pa rin ang nabanggit na iskor.
Si Briones, ang ipinagmamalaki ng University of Santo Tomas at Philippine Air Force ay nanalo via walkover sa Central African bet.
At sumabak kay Cook, na isa sa bagong mukha ng British taekwondo.
Gayunpaman, hindi natakot ang Pinoy jin sa batang Briton at homecrowd makaraang humatak ng 1-1 pagtatabla si Briones sa kalaban sa pagbubukas ng kanilang bakbakan.
Tanging si Tshomlee Go lamang ang nakalusot sa qualifying na ito para sa Beijing Olympics makaraang masungkit ang bronze medal sa 58 kgs. class.
Nabigo si Asian Games silver winner Mary Antoinette Rivero, na tulad ni Go ay beterano ng Athens Games noong 2004, kasama si Asiad bronze medalist Kathleen Eunice Alora sa women’s 49 division.
Ngunit may tsansa pa rin ang Pinoy jins na makasama sa Beijing sa pagdaraos ng Asian Qualifying sa Vietnam sa Nobyembre bagamat ang komposisyon ng team ay paguusapan pa ng national coaching staff. Bawat bansa ay pinapayagang magpadala ng maximum na dalawang players sa men’s at women’s category.