Nalusutan ng pambato ng Pilipinas na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ang matinding hamon na ipinagkaloob nina Pat Holtz at Michael Valentine ng Holland upang umabante sa last 16 sa idinadaos na 2007 PartyPoker.net World Cup Of Pool na ginaganap sa Outland Club sa Rotterdam, Holland.
Kinailangang ilabas nina Reyes at Bustamante, ang nagdedepensang kampeon, ang kanilang husay sa paglalaro nang mawala ang naunang komportableng 6-1 kalamangan upang maitakas ang 8-6 tagumpay sa first round match.
Anim sa pitong sumunod na racks ang dinomina nina Holtz at Valentine upang makadikit sa 7-6 iskor. Tanging ang sablay sa long shot sa 7-ball ni Valentine ang nagbigay daan upang makatira uli ang Filipino pool artist na hindi na pinakawalan ang magandang pagkakataon para kunin ang 14th rack at ang laro.
Susunod na makakalaban ng Pilipinas ang Croatia na binubuo nina Philipp Stojanovic at Ivica Putnik, na sinorpresa ang 16th seed na sina Ruslan Chinakov at Konstantin Stepanov sa 8-5 iskor.
Ang iba pang nanalo at umusad sa second round ay ang France sa Italy, 8-2, China sa South Africa, 8-1, Holland sa Indonesia, 8-5, at Japan sa Spain, 8-2.