2 gold at 1 silver nasikwat ng Pinoy archers

Nasikwat  ng Philippines ang dalawang gold at isang silver medals sa katatapos na 15th Asian Archery Championship sa Xian, China.

Nagpasikat si Earl Yap at ang women’s team para sa national squad ng magbulsa ng tig-isang gold medal sa compound division ng prestihiyosong tournament.

Umangat si Yap sa men’s individual para sa gold matapos na payukurin ang Koreanong si Kim Dong Kyu, 116-114 sa men’s finals.

Hiniya naman ng women’s team sa pangunguna ni  Abbigail Tindugan  ang powerful na Indian squad, 227-219 matapos na silatin ang China, 223-192 sa quarterfinals at Malaysia, 223-211 sa semifinals.

Pinangunahan ni Tindugan ang Filipinos sa pag-iskor ng 78 puntos, habang ang Sydney veteran na si Jennifer Chan at Amaya Paz ay nag-ambag naman ng 76 at 74 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nakuntento naman si Chan sa silver medal sa women’s individual event matapos ang makapigil hiningang 111-113 decision laban sa Korean na si Kwan Oh Yang sa finals.

Show comments