Bukod sa hinubaran ng Ateneo de Manila University muli nilang makakaharap ang mortal na kaaway na De La Salle University at may pagkakataon silang bumawi.
Itinakda ng Ateneo ang ikaapat na pagkakataong paghaharap nila ng Archers matapos tanggalan ng titulo ang defending champion University of Santo Tomas sa pamamagitan ng 69-64 panalo sa kanilang knock-out game sa step ladder semifinals ng UAAP Men’s Basketball tournament sa Araneta Coliseum kahapon.
Bagamat dalawang beses na hiniya ng Ateneo ang La Salle sa eliminations, binawian sila ng Archers sa kanilang playoff game para sa No. 2 slot na may kakabit na twice-to-beat advantage.
Dahil dito, kailangan lamang ng isang panalo ng La Salle upang makapasok sa finals kung saan naghihintay na ang University of the East na dumiretso sa championship round matapos ma-sweep ang 14-game elimination assignments.
Bumandera para sa Ateneo si Claiford Arao na tumapos ng 17-puntos kasunod si Chris Tiu na may 14.
Umabante ang Ateneo sa 41-30, 6:36 minuto ang nalalabing oras sa ikatlong quarter pinangalagaan ng Eagles ang hawak na kalamangan na tinangkang agawin ng Uste ngunit nakalapit lamang sila ng hanggang limang puntos.
Nakatakda ang sagupaan ng Ateneo at La Salle sa Huwebes sa Big Dome din kung saan ang mananalo ay siyang sasagupa sa UE Red Warriors sa best-of-three championship series.(MBalbuena)