MANDAUE City -- Napanatili nina GMs Rogelio Antonio Jr. at Mark Paragua at IM Wesley So ang pag-asa ng mga Pinoy makaraang magtala ng magkakaibang tagumpay, habang naitala naman ni GM Susanto Megaranto ng Indonesia ang ika-apat na sunod na titulo at agawin ang solo liderato sa 6th Asian Chess Championship sa Cebu International Convention Center dito.
Si Antonio, naghahangad ng kanyang ikalawang world championship appearance sa loob ng walong taon, ay nagsagawa ng impresibong panalo makaraang ipanalo ang isang papatalo nang laban kontra kay IM Mohammed Al-Sayed ng Qatar.
Isinelyo ni Antonio ang tagumpay nang magblunder si Al-Sayed sa kanyang rook sa ika-34 sulungan.
Sa kabilang dako naman, si Paragua, ang ikatlong highest-rate player na may ELO 2525, ay namayani kay IM Prasad Arun ng India sa 50 moves ng Semi Slav, habang si So, na umaasang maging pinakabagong GM sa edad na 14 anyos, ay namayani naman kay IM Morteza Mahjoobzardast ng Iran sa loob lamang ng 20 sulungan ng Pirc at nagbalik sa mga Pinoy sa kanilang mainit na kampanya.
Sa kabuuan, umusad si Antonio sa magic circle na may tatlong puntos kontra sa isang kabiguan.
Kapwa napaganda naman nina Paragua at So ang kanilang baraha sa 2.5 puntos sa mahigpitang 11 round tournament na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa kooperasyon ng FIDE na dedetermina sa 10 kinatawan ng Asya sa World Chess Cup sa Russia sa Nobyembre.
May tigatlong puntos din ang nagbabalik na IM na si Darwin Laylo na nanaig kay FM Tsegmed Batchullun.
Ngunit ang araw ay para kay Megaranto, ang 20 anyos na Indonesian GM na nanaig sa dating lider na si GM Wang Hao.
Si Megaranto, na naging pinakabatang Indon GM sa edad na 17 anyos, ay halos walang kamalian sa laro hawak ang itim na piyesa nang gapiin si Wang na nagbigay ng banta sa dominasyon ng Chinese.