Kung inaakala ni Filipino boxing hero Manny Pacquiao na maduduplika niya ang kanyang pagpapasuko kay Mexican boxing legend Marco Antonio Barrera noong 2003 para sa kanilang rematch sa Oktubre, nagkakamali siya.
Sinabi kahapon ni American trainer Freddie Roach na hindi dapat maniwala ang 28-anyos na si Pacquiao sa sinasabi ng kanyang tropa para sa muli nilang pagtatagpo ng 33-anyos na si Barrera.
“I won’t let that happen. But the thing is you got a lotta people telling Manny it’s an easy fight. And that’s the worst thing in the world because it’s not an easy fight,” wika ni Roach kay “Pacman”, umiskor ng stoppage kay Barrera sa 11th round ng kanilang “People’s Featherweight Championship” noong Nobyembre ng 2003 sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Matapos dumalo sa kanilang press conference sa Beverly Hills Hotel sa Los Angeles, California noong Biyernes, kaagad na umuwi sa Pilipinas si Pacquiao, ang kasalukuyang World Boxing Council (WBC) International super featherweight champion.
Sa kanyang pagsulpot, nagsasanay na ang tubong General Santos City sa Wild Card Gym sa Parañaque at babalik sa Wild Card Gym ni Roach sa Los Angeles sa Setyembre bago ang kanilang rematch ni Barrera sa Oktubre 6 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
”Gusto ko munang dito mag-training para walang masyadong makakita sa mga tao ni Barrera,” dahilan ni Pacquiao, gumawa ng isang pelikula kasama si Ara Mina at isang beer commercial kasama si martial arts superstar Jet Li.
Ayon kay Roach, matatalo lamang si Pacquiao kay Barrera, inagawan ni Juan Manuel Marquez ng WBC super featherweight crown noong Marso, kung sosobra ang kumpiyansa nito sa sarili.
“I mean, that’s the only way he can lose the fight is if he takes it lightly and I’ll make sure that doesn’t happen,” ani Roach. (Russell Cadayona)