Alcano pasok sa Shanghai Finals; bitbit si Corteza sa Bali grand finale

Shanghai-- Pinatalsik ni reigning WPA 8-Ball at 9-Ball World Champion Ronato Alcano ang nag-iisang lahok ng Korean na si Ryu Seung Woo, 11-6 sa kanilang semifinal match at sa wakas ay makarating sa finals ng  2007 Guinness 9 Ball Tour final matapos ang ilang beses na pagtatangka.

Pinapaboran kontra sa kanyang batang Korean na kalaban, nakuha ni Alcano ang unang produksiyon makaraang samantalahin ang bigong 9-ball corner na tangka ni Ryu sa unang rack.

Ngunit may misyon na pinangangalagaan, ang makuha ang huling slot sa Top 10 para sa Grand Finals, nagpamalas ng husay si Ryu. Kailangan lamang ng 2006 Bangkok leg runner up ang makapasok sa finals para makasulong sa magic circle of 10.

Ngunit binalewala ng Pinoy champ ang hamon ng Korean nang maglaro sa safety si Alcano sa 2nd at 4th rack at sa kalagitnaan ng race-to-11 ay na-pressure ang Korean.

Isang miscue sa pink 4 line ang nag-drive sa 8th at scratch sa two-ball shot sa 9th at mahinang five ball ang nagbigay ng kalamangan kay Alcano, 7-3.

At sa pagpasok ni Alcano sa finals, hindi niya alam na hinatak din niya ang kababayan at kasalukuyang Philippine national champion na si Lee Van Corteza sa Top 10 kung saan nakasalalay ang lagay sa magiging resulta ng kampanya ni Ryu sa Shanghai leg.

Katabla sa 10th kasama si Naoyuki Oi ng Japan at Chang Keng Kwang ng Singapore na may 100 total Tour points sa Order of Merit, ang pagpasok ni Ryu sa finals ay magbibigay sa Korean ng 50 puntos at kabuuang 110 puntos. Ngunit sa pagkakatalsik ni Ryu, nakuha naman ni Corteza ang huling slot sa Top ten base sa kanyang mas mahusay na nakuhang racks average kontra kina Oi, Chan at Ryu.

Sa kasalukuyan, habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban pa sina Fu Jian Bo ng China at Yang Ching-Shun ng Chinese Taipei na ang magwawagi ang siyang may karapatang harapin si Alcano sa Guinness 9-Ball Tour Shanghai leg.

Show comments