Kumpiyansa pa rin ang tambalang American Tony Gunawan at Indon Candra Wijaya sa kanilang tsansa sa men’s doubles bagamat kasali ang world No. 2 pair nina Kien Keat Koo at Boon Heong Tan ng Malaysia sa 2007 Bingo Bonanza Philippine Open Badminton Championships na magsisimula bukas (Miyerkules) sa PhilSports Arena.
“We have a good chance here,” ani Gunawan sa kanyang praktis kahapon. “We really want to win here and I hope everything goes well.”
Gaano kalayo ang mararating ng world No. 6 na tambalang Gunawan at Wijaya sa kanilang pakikipagtipan sa Malaysian pair nina Ming Chan Chong at How Hoon Thien sa alas-6:30 ng gabing aksiyon sa first round sa lower half ng 32-pair draw.
Sa kabilang dako, ang top seed tandem nina Kien at Boon, na inaasahang dodomina sa upper bracket, ay makaka-laban ang German pair nina Roman Spitko at Michael Fuchs sa alas-5 ng hapon.
Sasabak naman sa aksiyon ngayon sa qualifier ng torneong humatak ng 315-player mula sa 31 bansa na hatid ng Bingo Bonanza Corp., ang 35 Pinoy para makapasok sa main draw ng iba’t ibang division.
Samantala, sinabi ng magkapatid na Kennie at Kennivic Asuncion na matinik ang daan patungo sa mixed doubles title ngunit nangakong gagawin ang lahat ng kanilang makakaya para sa korona.
Ang magkapatid na Asuncion ay nakapasok sa finals noong nakaraang taon ngunit yumuko sa lakas ng Thai aces na sina Sudket Prapakamol at Saralee Thoughthangkam.
Ang RP Open, na suportado ng Victor (exclusively distributed by Pcome Industrial Sales, Inc.), Snickers, The Philippine Star, Solar Sports (official broadcaster), Holiday Inn Galleria Manila at The Richmonde (official hotels), ay live na mapapanood sa Solar Sports at RPN-9 simula sa semifinal round sa July 21 at finals sa July 22 simula alas-2 ng hapon.