Ang panonood ng kanyang utol na si Filipino boxing hero Manny Pacquiao ang lubha pang magpapalakas ng loob ni super featherweight Bobby Pacquiao sa kanyang laban kay Mexican Humberto Soto sa Hunyo 9 sa Madison Square Garden sa New York City.
Umalis na kamakalawa ang 28-anyos na si Manny Pacquiao patungong United States upang manood ng laban ng 26-anyos na si Bobby Pacquiao kay Soto, ang No. 2 World Boxing Council (WBC) super featherweight contender.
“Siyempre, malaking bagay ‘yung panonood ni Manny kasi siya naman talaga ang inspirasyon ko sa boxing eh,” sabi ni Bobby Pacquiao.
Tangan ni Bobby Pacquiao, nahubaran ng kanyang suot na WBC Continental Americas super featherweight crown noong Nobyembre ng 2006 sa kanyang laban kay Mexican Hector Velasquez bunga ng pagiging overweight, ang 27-12-3 win-loss-draw ring record kasama ang 12 knockouts.
Ibinabandera naman ng 26-anyos na si Soto, matagal nang hinahamon si Manny Pacquiao, ang matinding 41-5-2 (25 KOs) slate.
Ayon kay Canadian adviser Michael Koncz, kinuha nila ang serbisyo ni Mexican Speedy Gonzales matapos ang dominasyon ni Bobby Pacquiao sa kanyang sparring mate sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach.
“We’ve done all we can do and I think this is the best preparation he’s ever had,” wika ni Koncz kay Bobby Pacquiao. “Come June 9th it’s gonna be up to Bobby in the ring.”
Sakaling manalo kay Soto, isang laban naman kay dating three-division champion Erik Morales ang inihahanda bago matapos ang taon ani Koncz. (R. Cadayona)