RATCHABURI, Thailand --Sa pagbabalik sa Manila ngayon, sa San Miguel na maglalaro si Enrico Villanueva at hindi sa Red Bull.
Ayon kay PBA commissioner Noli Eala, nagka-sundo ang San Miguel Beer at Red Bull sa paglipat ni Villanueva kapalit naman ni Romel Adducul.
Matapos ang isang buwan na negosasyon, sa wakas naiselyo rin ang deal nang makawala si Villanueva sa ‘restricted trade list’ sa Red Bull.
Kinuha ni Mick Pennisi ang RTL status ni Villa-nueva.
Ang RTL system ay ibinigay ng Commissioner’s Office upang maiwasan ang one-sided na trade ng mga koponan.
Mismong ang Commissioner’s Office ang magpapangalan sa player mula sa bawat team na ilalagay sa RTL.
Gayunpaman, may pagkakataon naman na maaring humiling ang koponan na tanggalin sa RTL ang players at ito ang naging kaso kay Villanueva.
Naiselyo ang trade ng dalawang koponan nang dumating dito kahapon si Red Bull team manager Tony Chua at nakipagpulong kay SMC top official Robert Non.
Inaayos na ang papeles ng dalawa upang ma-kapagsimula ng maglaro sina Villanueva at Adducul sa kanilang bagong team sa Miyerkules.