Isang malaking hamon sa isang player na dinala sa ibang koponan ang muling makaharap ang kanyang dating tropa.
”Siyempre, nandoon na rin ‘yung challenge to win against your former team,” ani Kenneth Duremdes, umiskor ng team-high 23 puntos sa 114-95 panalo ng Coca-Cola sa dati niyang grupong Sta. Lucia Realty sa 2007 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.
“Nagkataon lang din siguro na nag-step up ako at maganda talaga ang inilaro ko.”
Makaraang kunin ang isang 16-point lead, 55-39, sa kalagitnaan ng second period, nakita ng Coke ang paghahabol ng Sta. Lucia, nahulog sa 5-11 baraha katabla ang Purefoods Tender Juicy Giants, sa 81-84 paglapit nito sa pagtatapos ng third quarter.
Isang 12-4 bomba ang inihulog ng Tigers, nasa ilalim ngayon ng Ginebra (10-5), nagdedepensang Red Bull (10-5), Alaska (10-5), Air 21 (9-5), Talk ‘N Text (9-5) at San Miguel (7-7), upang muling lumayo sa Realtors sa 96-85 sa 7:05 ng final canto.
Samantala, naglalaro pa sa kasalukuyan ang Barakos at Express habang sinusulat ito kung saan asam ng Red Bull ang makalapit sa isang automatic semis ticket. (Russell Cadayona)