"I’m well-conditioned and I’m ready to fight Medina," deklara ni Bautista, ang kasalukuyang hari sa World Boxing Council (WBC) Youth super bantamweight division.
Nagkarga ang pambato ng Bohol, Tagbilaran City ng kabuuang 40 sparring rounds sa kanyang pag-eensayo sa Cebu City bago maglista ng 30 sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California at mahigit sa 50 naman sa Puerto Rico kasabay si world junior middleweight champion Oscar Dela Hoya.
Ang Bautista-Medina fight ang siyang tatayong eliminator para sa hahamon kay World Boxing Organization super bantamweight champion Daniel Ponce De Leon ng Mexico.
Matagumpay na naidepensa ng 26-anyos na si Ponce De Leon ang kanyang suot na WBO super bantamweight crown laban sa 34-anyos na si Gerry Peñalosa sa kanyang huling laban.
Nangako si Bautista na tatalunin niya si Medina sa kanilang eliminator para makasagupa si Ponce De Leon sa isang championship fight.
"Alam kong mahina ang bodega ni Medina sa mga napanood kong fight tapes niya, kaya doon ko talaga siya titirahin," sabi ni Bautista, kasama si light flyweight AJ "Bazooka" Banal sa pag-eensayo sa ilalim ni 2006 Trainer of the Year Freddie Roach sa Puerto Rico.
Makakasagupa naman ni Banal si Alberto Rosas ng Mexico bilang undercard sa laban ni Dela Hoya kay Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 5. (Russell Cadayona)