Maganda ang simula ng 28-gulang na si Orcollo nang kunin nito ang 4-0 kalamangan ngunit pagdating ng ikalimang rack, umalat ang laro nito at nagsimulang mag-init si Corteza.
Naubos ni Corteza ang mga bola sa ika-limang rack na nagsimula ng kanyang momentum upang kunin ang sumunod pang walong racks para sa 9-4 kalamangan na nagdemoralisa kay Orcollo.
Tila sigurado na kay Corteza ang panalo matapos magposte ng malaking kalamangan ngunit nagawa pang makabangon ni Orcollo na nanalo sa sumunod na limang racks upang itabla ang laban sa 10-all na nagpa-init sa race-to-11 match.
Ang buong akala ni Orcollo ay panalo na siya ng kanyang ipasok ang nine-ball para sa kanyang ika-11 puntos at kinamayan na nito si Corteza ngunit nagkaroon ng kalituhan nang lapitan ito ng referee para sabihing ipinatupad ang bibihirang ‘two rack advantage’.
Minalas naman si Orcollo nang ma-scratch ito sa 1-7 combo na siyang nagbigay ng pagkakataon kay Corteza na tapusin ang laban.
Isinelyo ni Corteza ang panalo nang mabigong makapagpapasok ng bola si Orcollo sa kanyang break at sinimot niya ang mga bola sa lamesa para sa 11-13 panalo.
"Sinuwerte lang. Sana magtuluy-tuloy ito sa aking laban mamaya," ani Corteza na nakatakdang lumaban sa mananalo sa all-Taiwanese semifinals match sa pagitan nina Wu Chia-Ching at Chang Jun Lin na kasalukuyan pang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito.
"We really had trouble with the racking in the TV table. There were spaces between the balls during racking. That was the reason why there were a lot of dry breaks in our match. But I have to give it to Vanvan (Corteza), he was able to perform better when it mattered which gave him his well deserve win," ani Orcollo.
May kabuuang US $320,000 ang nakataya sa torneong ito na may grand finals sa Bali Indonesia para sa Top 10 players kung saan ang Grand final champion ay mag-uuwi ng US$36,000.
Magsisilbi itong ranking tour para sa Asian players kung saan ang top-10 base sa Tour order of Merit ay papasok sa World Pool Championships na gaganapin sa ikalawang pagkakataon sa Manila.