Harbour Centre-RP nalo

JAKARTA, Indonesia — Nakabawi ang Harbour Centre-RP team sa kanilang nakakadismayang second quarter performance upang igupo ang Petronas-Malaysia, 87-72, para sa magandang simula ng kanilang kampanya sa SEABA Club Champions Cup sa Britama Arena.

Isang sorpresang mahusay na performance ang ipinamalas ni Vidal Massiah, binitawan ng San Miguel Beer sa PBA matapos mabokya sa kanyang ikalawang game nang humakot ito ng 24-puntos ngunit si Marvin Cruz ang naging malaking susi sa tagumpay ng Harbour Centre-RP.

Pinantayan ni 5-foot-8 Cruz ang ipinakita ni 6-foot- 9 Julius Nwosu nang pasiklaban nito ang kanyang mga Malaysian defenders upang ihatid ang bansa sa kauna-unahang panalo sa international scene matapos ang dalawang taong pagkawala sa eksena bunga ng suspensiyon ng International Basketball Federation o FIBA sa bansa.

"I was not surprised with what Marvin did to the team today, he’s really tough and a very good player," sabi ni coach Junel Baculi.

Ilang beses na tinira si Cruz ng kanyang bantay na si Koo Chen Jye ngunit hindi ito nakapigil sa kanya upang ilayo ang Nationals sa 11-0 pangunguna at tinapos niya ang kanyang 15-point performance sa pamamagitan ng krusyal na freethrow na pumigil sa paghahabol ng mga Malaysians sa ikaapat na quarter.

Umabante ang Harbour-RP sa 82-72, wala nang dalawang minuto ang natitira sa labanan para masiguro ang tagumpay at isang panalo na lamang ang kanilang kailangan para makapasok sa finals ng four-country tournament na ito.

Susunod na makakalaban ng Nationals na nawalan ng Chico Lanete na natapilok matapos makatapak sa paa ng isang Malaysian, ang Vietnam sa Biyernes.

Show comments