Peñalosa hindi titigil hangga’t...

Hindi pa ito ang huling pagkakataon na makikita ng sambayanang Filipino sa boxing ring si Cebuano warrior Gerry Peñalosa. 

Matapos ang kanyang nakadidismayang kabiguan kay Mexican Daniel Ponce De Leon para sa World Boxing Organization (WBO) super bantamweight championship kamakalawa, isang laban naman kay Jhonny Gonzales ang inialok sa 34-anyos na si Peñalosa. 

"After the fight kinausap ako ng Golden Boy Promotions dahil gusto daw nila akong muling ilaban," sabi kahapon ni Peñalosa, dating naghari sa super flyweight division ng World Boxing Council (WBC). "Sabi nila gusto nila akong bumalik sa bantamweight since malaki ang chance ko kay Jhonny Gonzales." 

Ang 24-anyos na si Gonzales, itatakda ng Golden Boy Promotions na sagupain si Peñalosa sa Hunyo, ang kasalukuyang namamayagpag sa bantamweight category ng WBO. 

Sa kabila ng naturang alok ng kampo ni Oscar Dela Hoya, hangad pa rin ni Peñalosa, may 51-6-2 win-loss-draw ring record kasama ang 35 knock-outs, na muling makasagupa ang 26-anyos na si Ponce De Leon (33-1 28 KOs) para sa isang rematch. 

"Ang plano ko talaga before I accepted the offer to fight Ponce De Leon ay magre-retire na ako kapag nakuha ko ‘yung titulo. Kahit na manalo ako, hindi ko na idedepensa ‘yung titulo ko," ani Peñalosa. "At once na makuha ko ‘yung title kaninuman kina Ponce De Leon o Jhonny Gonzales, talagang hihinto na ako sa boxing." 

Samantala, hangad naman ni bantamweight sensation Rey "Boom Boom" Bautista, nagdadala ng 22-0 tampok ang 17 KOs, na maiganti si Peñalosa laban kay Ponce De Leon.

 "Hintayin lang niya ako pagkatapos ko kay Sergio Medina sa Mayo 5," babala ng 20-anyos na si Bautista, nakatakdang harapin si Sergio Manuel Medina (28-0 16 KOs) ng Argentina sa Mayo 5 sa undercard nina Dela Hoya at Floyd Mayweather, kay Ponce De Leon. (Russell Cadayona)  

Show comments