Pagkatapos ni Barrera, Pacquiao isusunod ni Marquez?

Matapos talunin si Marco Antonio Barrera para sa world super featherweight crown, wala nang dapat pang sagupain si Juan Manuel Marquez kundi si Manny Pacquiao ngunit may problema sa rematch ng bagong World Boxing Council (WBC) super featherweight champion at ni Pacman.

Ang 33-anyos na si Marquez, nagbabandera ngayon ng 47-3-1 win-loss-draw ring card kasama ang 35 knockouts, ay nasa ilalim ng Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya, habang ang 28-anyos namang si Pacquiao ay nasa Top Rank Promotions naman ni Bob Arum.

Hanggang ngayon ay nasa korte pa ng Las Vegas ang isinampang kaso ni Dela Hoya kay Arum kaugnay sa kung sino ang dapat maging official promoter ni Pacman.

Kung kakatigan ng korte ang nilagdaang seven-fight contract ni Pacquiao sa Golden Boy, sigurado na ang kanilang muling pagtatagpo ni Marquez at ang pagpanig naman ng korte kay Arum ang tuluyan nang magpapalabo sa naturang rematch nina Pacquiao at Marquez, nakakolekta ng 118-109, 116-111 at 116-111 unanimous decision kontra kay Barrera.

Sa kanilang banggaan ni Barrera, may 63-5 (42 KOs) ngayon, pinulbos ni Marquez ng suntok ang dating WBC king sa 7th round bago tumama ang isang right hand ni Barrera na nagpaluhod kay Marquez.

Habang nakaluhod, isang suntok sa kanang panga ang pinakawalan ng 33-anyos na si Barrera na nagresulta sa isang one-point deduction ni referee Jay Nady patungo sa magkakasunod na dominasyon ni Marquez hanggang sa 12th round.

"They gave us nothing," ani Marquez sa pagpanig sa kanya nina judges Doug Tucker, Patricia Morse Jarman at Paul Smith. "This fight is very important for me. I said in the press conference this fight will be a war. I won the fight."

"I did the necessary things to win. He hit me four times below the belt and referee (Jay Nady) never said anything. They were bad judges," ani Barrera. (RCadayona)

Show comments