"There is no doubt I will win," ani Ponce De Leon sa kanilang upakan ni Peñalosa sa Marso 17 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada. "I am very confident in my conditioning and preparation."
Ipagtatanggol ni Ponce De Leon sa ikalawang pagkakataon ang kanyang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title na kanyang nakuha noong 2005 laban kay Sod Looknongyangtoy bago naidepensa kay Al Seeger noong 2006.
Ayon kay Ponce De Leon, napanood na niya ang ilang laban ni Peñalosa, dating naghari sa super flyweight division ng World Boxing Council (WBC). "I’ve studied my opponent very well. He has many good qualities. However, with my strategy and the weapons I possess, I feel I will break him down little by little and punish him severely," sabi ni Ponce De Leon.
Ibinabandera ng 26-anyos na Mexican fighter ang kanyang 30-1 win-loss ring record na tinatampukan ng 28 knock-outs, samantalang dinadala naman ng 34-anyos na Cebuano fighter ang 51-5-2 (34 KOs).
"Hindi pa niya ako masyadong kilala at hindi niya alam ang kaya kong gawin sa kanya sa ibabaw ng ring," pagbabanta naman ni Peñalosa kay Ponce De Leon.
Ang nasabing super bantamweight fight nina Ponce De Leon at Peñalosa ay magsisilbing supporting bout para sa WBC super featherweight bout nina Mexican Marco Antonio Barrera at Juan Manuel Marquez. (Russell Cadayona)