Kasi nga’y winalis nila ang Hapee Toothpaste, 3-0 sa Finals ng PBL Silver Cup! Kumbaga’y talagang ibinuhos nila ang buong lakas laban sa Hapee at parang no-match nga ang nagyari.
Aba’y mas maganda pa nga ang best-of-five semifinal round kung saan tinalo ng Harbour Centre ang Toyota Otis, 3-2. Doon ay nakalamang pa ang Toyota-Otis, 2-1 sa serye bago nagwagi ang Port Masters sa huling dalawang games upang makausad sa Finals.
Para ngang anti-climactic ang naganap. Kasi, parang ang semis ang championship series.
Hindi nga ba’t ang Harbour Centre at Toyota Otis din ang nagharap sa nakaraang PBL Unity Cup Finals. At sa yugtong iyon ay nakalamang din ang Sparks sa serye, 2-1 bago nanaig ang Port Masters sa sumunod na dalawang games. Naulit lang ito sa semis ng Silver Cup.
Natural na masayang-masaya si team owner Mikee Romero sa achievement ng kanyang team at ni coach Jorge Galent. Biruin mong marami rin namang pagbabago ang naganap sa line-up ng Port Masters subalit nagawa pa rin nilang magkampeon.
Mahusay talagang mag-alaga ng kanyang mga manlalaro itong si Romero. Siguradong iniisip na naman ni Romero kung itutuloy niya ang balak na pag-akyat sa professional league.
Naunsiyami kasi ang balak na ito noong nakaraang season. Nakipag-usap na si Romero sa pamunuan ng Shell Velocity matapos na mag-disband ang Turbo Chargers at kaunti lang ang naging diperensya sa presyong iniaalok niya.
Hindi natuloy ang bilihan ng prangkisa at sa halip ay napunta ito sa Welcoat House Paints na nagpugay sa pro league sa kasalukuyang season. Sa tutoo lang, nakaganda din naman sa Harbour Centre ang paghihintay. kasi nga, noong nakikipag-usap si Romero sa Shell, hindi pa nagkakampeon ang Port Masters. Wala pa silang napapatunayan sa PBL.
Pero ngayon ay nagwagi na nga sila ng dalawang titulo at sa pananaw ng lahat, sila na ang pinakadominanteng koponan sa PBL.
At kung wala na nga silang kapantay sa amateur league, natural na kulang na rin sa challenge sa level na iyon.
Kaya naman natural na tumingin sa mas mataas na level si Romero at ang next step ay ang PBA. May nagsasabing puwedeng makipag-usap ang Harbour Centre sa Coca-Cola na napabalitang aalis na ng pro league. Posible ito.
Posible rin na mag-apply para sa panibagong prangkisa ang Harbour Centre dahil ayon kay commissioner Noli Eala ay open naman for expansion ang PBA.
Matuloy kaya sa pro league ang Port Masters?