Isang three-point shot ni Cardona sa huling 1.1 segundo ang nagtakas sa 99-96 panalo ng Talk N Text kontra Barangay Ginebra para itabla sa 1-1 ang kanilang semifinals series sa 2007 PBA Philippine Cup kahapon sa Araneta Coliseum.
Humakot ang dating La Salle Green Archer ng 21 puntos, 4 rebounds, 2 assists, 2 steals at 1 shotblock upang ibigkis ang Phone Pals sa Gin Kings sa 1-1 sa kanilang best-of-seven semifinals showdown.
Inangkin ng Ginebra ang Game 1 buhat sa kanilang 115-100 panalo, tampok ang ipinosteng 29-point lead sa third canto.
"Alam kong papasok yung bola kasi naramdaman ko na yung rhythm at ang dami kong mintis before that shot. Siguro maganda rin yung bitaw ko," ani Cardona, tumipa rin ng 3-for-6 shooting clip sa 3-point range, matapos pakawalan ang kanyang winning basket mula sa pasa ni Jimmy Alapag.
Bago ang naturang kabayanihan ng dating La Salle Green Archer, inilista muna ng Talk N Text ang isang 15-point advantage, 74-59, sa 5:54 ng third period mula sa magkakabit na tres nina Cardona at Alapag.
Sa likod nina Caguioa, kumolekta ng 31 marka, 8 boards at 5 assists, at Rafi Reavis, naitabla ng Ginebra ang labanan sa 96-96 sa huling 59.9 segundo ng fourth quarter.
Ang mintis nina Cardona para sa Phone Pals at Jay-Jay Helterbrand, nagposte ng isang triple-double (15 puntos, 10 rebounds at 10 assists), para sa Gin Kings sa sumunod na sandali ang nagresulta sa time out ni coach Derrick Pumaren.
Samantala, inilunsad kagabi ng PBA sa Padis Point sa Timog, Quezon City ang "After Play-Off Party", isang marketing activity na nagpopromote sa playoffs kung saan makakasalamuha ng mga fans ang paborito nilang mga PBA players sa ilang bars sa Metro Manila. (Russell Cadayona)