Humakot si Marvin Cruz ng 18 puntos, 6 rebounds at 3 assists upang igiya ang No. 4 Toyota Otis sa 73-67 panalo kontra sa No. 1 Harbour Centre, habang kumolekta naman si Larry Rodriguez ng 17 marka, 12 boards at 3 shotblocks para tulungan ang No. 3 Hapee-PCU sa 91-80 paggiba sa No. 2 Mail & More sa kani-kanilang playoff game kahapon sa Olivarez Sports Center sa Parañaque.
Mula sa naturang tagumpay, nakuha ng Teethmasters ni Jun Noel ang No. 1 seat sa semis kasunod ang No. 2 Sparks ni Louie Alas, sumasakay ngayon sa isang five-game winning streak.
Isang pasa sa gitna ni Cruz sa bagong pasok na si Floyd Dedicatoria para sa finger roll nito ang nagbigay sa Sparks ng 69-65 lamang, 41.2 tikada na lamang. Ang mintis na 3-point shot ni Ortiguerra sa posesyon ng Harbour Centre ang nagresulta sa dalawang freethrows ni Christian Coronel sa natitirang 29.6 segundo para sa 71-65 abante ng Toyota Otis.
Sa inisyal na laro, isang 20-point lead, 66-46, ang naging sandigan ng Hapee-PCU upang talunin ang Mail & More, nagposte ng isang six-game winning run bago napigil ng Toyota Otis sa pagpinid ng classification phase. (R. Cadayona)