Finkel mananatili sa tabi ni Pacquiao

Sa kabila ng napipintong pagtatapos ng kanyang termino bilang manager, bukas pa rin si American Shelley Finkel sa muli niyang paggabay kay Filipino boxing hero Manny Pacquiao.

Sa isinagawang poll ng Boxingconfidential. com ukol sa kung dapat bang patuloy na hawakan ni Finkel ang boxing career ng 28-anyos na si "Pacman", 78 porsiyento nito ang pumapayag.

"That is gratifying," sabi kahapon ni Finkel sa naging resulta ng naturang poll. "But I have not close the door to anything."

Nauna nang lumabas sa mga pahayagan na sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na noong Agosto pa ng 2005 napaso ang kontrata ni Finkel kay Pacquiao.

Subalit sinabi naman ni Finkel na ilang linggo pa ang bibilangin bago mapaso ang kanyang kontrata bilang manager sa tubong General Santos City.

"I think I have made it clear to Manny, his family members, his real and true friends, that my door is open, my phone lines are open and I am here for Manny in any capacity in which I may be helpful to him. I am here as a friend, a confidante, an adviser … in whatever capacity Manny chooses," ani Finkel.

Sa naturang poll, 23 porsiyento rito ay nagsabing dapat nang sibakin ni Pacquiao si Finkel bilang manager, samantalang 19 porsiyento naman ang naghayag na muling kunin ni Pacquiao si Finkel kung mapaplantsa nito ang kanyang problema sa kontrata kina Arum ng Top Rank at Oscar Dela Hoya ng Golden Boy Promotions.

"He is a great and a special talent and I wish him nothing but the best," dagdag ni Finkel. (RC) 

Show comments