Umiskor si Jason Castro ng season-high 33 puntos para igiya ang Hapee-PCU sa 98-90 tagumpay kontra Cebuana Lhuillier na nagresulta sa dalawang playoff games para sa dalawang outright semifinals seat sa pagwawakas ng classification round ng 2007 PBL Silver Cup kahapon sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Taft Avenue.
May magkakaparehong 7-3 rekord ngayon ang Port Masters, Mail & More Comets, Teethmasters at Toyota Otis Sparks.
Sa likod ng kanilang +14 quotient, nasambot ng Harbour Centre ang No. 1 berth sa playoff katapat ng No. 4 Toyota Otis (-27), habang sasagupain naman ng No. 2 Mail & More (+9) ang No. 3 Hapee-PCU (+4).
"Im really proud of what we have achieved in this conference," sabi ni mentor Jun Noel sa kanyang Teethmasters, nakakolekta rin ng tig-10 marka kina Mark Borboran at Larry Rodriguez. "At least nakuha na namin yung respeto ng ibang teams."
Kung nabigo ang Hapee-PCU, awtomatiko na sanang naibulsa ng Harbour Centre, naghari sa nakaraang PBL Unity Cup kontra Toyota Otis, ang isa sa dalawang outright semis ticket.
"Medyo nagkakaroon na ng cohesiveness yung buong team since halos lahat sila mga bagong players. Im hoping na maganda ang ilalaro namin sa playoff," ani Gallent sa kanyang Port Masters, tinalo ang Kettle Korn-UST Pop Kings, 103-77, sa unang laro.
Sa kabila ng nasabing ika-10 sunod na kabiguan ng Kettle Korn, posible pa rin silang makapasok sa quarterfinals. Ito ay kung matatalo nila ang Magnolia sa unang play-off round at manaig sa pagitan ng TeleTech (4-6) at Cebuana Lhuillier sa ikalawang playoff round na magdedetermina kung sino ang uupo bilang No. 5 team. (RCADAYONA)