Vertek sa long distance na tatakbo

Tuluyan nang nagbago ng kanyang event si dating short distance runner Eduardo Buenavista matapos lumahok sa 15th Asian Games sa Doha, Qatar.

 Mula sa pagtakbo sa 5,000 at 10,000-meter event, sasabak na ang 28-anyos na si Buenavista sa marathon sa 24th Southeast Asian Games sa Thailand sa susunod na taon.

 "Medyo nasasanay na akong tumakbo sa marathon, kaya dito naman ako magpupursige," wika ng two-time SEA Games gold medal winner sa kanyang bagong event. "Sa palagay ko mas malaki ang chance ko dito sa marathon." 

Sa 2006 Doha, Asia, tinapos ni Buenavista ang men's marathon sa tiyempong 2:24:50 bilang 17th placer sa event na pinagharian ng atleta ng Qatar.

 Ibinunyag ni Buenavista na isang Kenyan ang kumampanya para sa Qatar kagaya ng silver medalist ng Bahrain. 

Para sa 2006 Doha, Asiad, halos limang buwan lamang ang naging panahon ng paghahanda ni Buenavista, isang tauhan ng Philippine Army, bunga ng Basic Military Training (BMT).     

 Sa nakaraang 2005 Philippine SEA Games, isang silver medal ang nakuha ni Buenavista sa 5,000m run, samantalang diniskuwalipika naman siya sa 10,000m run bunga ng pagbangga sa isang Thai runner na ginawaran ng gold medal.

 Sa kabila nito, siyam na gintong medalya pa rin ang nakolekta ng mga atleta ng track and field association sa nasabing biennial event. (Russell Cadayona)

Show comments