Ang nasabing kasunduan ay naganap sa Hong Kong noong Biyernes ng gabi matapos na magkita at mag-usap ang dalawang nabanggit.
Ayon kay Estrada, na pumayag na siya na maging chairman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas bilang isang sacrifice move para sa ikabubuti ng basketball sa bansa.
Sinabi pa ni Estrada, dumating sa bansa kamakalawa ng gabi, na kakau-sapin niya ang mga miyembro ng Basketball Association of the Philippines (BAP) matapos ang araw ng Pasko.
At sa ilalim ng nasabing kasunduan, si Pangilinan ang magiging pangulo ng SBP, habang si PBA Chairman Ricky Vargas ang magiging vice-chairman.
Inialok naman ang posisyon na executive director sa dating Talk N Text representative to the PBA Board na si Al Panlilio na nakabase sa Hong Kong, habang si Air21 Lito Alvarez ang inaasintang maging tresurero.
"It is best to abide by the agreement forged in Japan among the representatives of the BAP, Pilipinas Basketball, the Philippine Olympic Committee, and the FIBA," ani Estrada na hinirang bilang kapalit ni dating BAP prexy Joey Lina nitong huling bahagi ng taong kasalukuyan.
Sinabi pa ni Estrada na ookupahan rin ng mga miyembro ng BAP ang ilang majority position sa ibat ibang committees na kanilang bubuuin.
"I still have to read the by-laws of the SBP thoroughly after the Holidays Mr. Pangilinan and I will be making a joint press conference sometime next week," dagdag pa ni Estrada na umaasa na sa wakas ay kikilalanin na ng FIBA ang SBP bilang kapalit ng BAP.
At kung sakaling maipalakad na ang SBP at kilalanin ng FIBA, magpapadala ang Philippines ng koponan sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) meet sa kalagitnaan ng taong ito. Na siyang magsisilibing qualifying meet para sa ABC na siya ring qualifying event para sa 2008 Beijing Olympics. (ACZaldivar)