Sumandal ang Port Masters kina Reed Juntilla at JC Intal upang igupo ang Magnolia Ice Cream, 72-63.
Umiskor si Juntilla ng 18 points kabilang ang lima sa simula ng third quarter tungo sa kanilang pagbangon mula sa dalawang sunod na talo habang ipinalasap nila sa Magnolia ang ikalimang talo sa pitong laro.
Kasabay ng pagpigil sa kanilang tatlong sunod na kamalasan, winakasan ng Cebuana Lhuillier ang dalawang dikit na pamamayagpag ng Toyota Otis.
Umiskor sina Emerson Oreta, Doug Kramer, Ken Bono at Erick Dela Cuesta ng pinagsamang 58 puntos para igiya ang Moneymen sa 95-83 tagumpay sa Sparks .
Tumipa si Oreta, dating naglaro sa Toyota Otis ni Louie Alas, ng 20 marka, tampok rito ang kanyang 4-for-9 clip sa 3-point line, at 2 rebounds para sa 3-4 kartada ng Cebuana Lhuillier, huling nakatikim ng panalo noong Nobyembre 21 mula sa 89-85 pagdaig sa Magnolia.
Matapos isara ang first half bitbit ang 45-38 abante, isang 13-6 bomba ang inihulog ng Moneymen ni Luigi Trillo upang iwanan ang Sparks, 58-44, sa likod ng isang tres ni Oreta sa 5:44 ng third period.
Sandaling naputol ito ng Sparks, nalaglag sa 3-3 ang baraha, sa 54-62 agwat sa huling 3:04 nito nang pakawalan ang maikling 10-4 atake, kasama rito ang 5 puntos ni Marvin Cruz.
Isang 12-6 ratsada naman ang ikinasa ng Cebuana Lhuillier mula kina Oreta, Kramer, Bono at Dela Cuesta upang muling ibaon ang Toyota Otis sa pagpinid ng naturang yugto, 74-60, patungo sa paglilista ng isang 21-point lead, 81-60, sa unang tatlong minuto ng final canto.
Tuluyan nang inangkin ng Moneymen ang nasa-bing panalo makaraan ang basket ni Bono para sa kanilang 89-69 abante sa Sparks sa huling 2:47 nito. (RCADAYONA)