Noong Huwebes ng gabi, binigyan kasiyahan ni Alora ang iilan manonood sa loob ng Doha Sports Club Indoor Hall, nang maisukbit nito ang unang bronze medal sa 47kgs. class makaraang makapagtala ng dalawang panalo-- kina Aisha Al Amer ng Kuwait, 7-0, at Juana Putri Wangsa ng Indonesia,10 supe-riority-- bago yumuko kay Jingyu Wu ng China, 3-2 sa semifinals.
Nakasiguro din ng bronze si Godfrey Castro sa boxing competition matapos nitong igupo si Al Ahmry Ali Saad ng Saudi Arabia sa ikalawang round ng kanilang lightfly-weight bout para sundan ang yapak ni Violito Payla na nauna nang umusad sa semis sa boxing competition na ginaganap sa Aspire Hall 5.
" At least nakapasok na tayo sa listahan ng may medalya, dahil sa dalawang bronze ng taekwondo ngayon," wika ni Philippine delegation Chef de Mission, William Butch Ramirez, na siya ring chairman ng Philippine Sports Commission.
Habang sinusulat ang balitang ito, pumapangatlo ang 5-man team nina Markwin Tee, CJ Suarez, Biboy Rivera, Chester King at Paeng Nepomuceno na may 3,114 pinfalls sa likuran ng South Korea at Qatar 1 sa unang tatlong laro, habang pang-apat naman ang womens five player team nina Liza Del Rosario, Irene Benitez-Garcia, Marianne Daisy Posadas, Liza Clutario at Jojo Canare.
Ang ikalawang block ng laban ay ilalaro sa ganap na alas-9 ng umaga ( 2pm sa Manila) para sa womens at ala-una ng hapon (6:30 pm sa Manila) sa kalalakihan.
Aakyat din sa ring ngayong alas-2 ng hapon (7pm sa Manila) si Joan Tipon para sa quarterfinal bout ng boxing event.
Ang panalo ng dalawa ay magbibigay ng kasiguruhan para sa dalawa pang bronze medal kasama ng naunang umusad na si Violito Payla.
Tatalon sa finals ng long jump sina Henry Dagmil at Joebert Delicano makaraang makalusot sa kani-kanilang heat sa Khalifa Stadium bandang alas-3 ng hapon (8pm sa Manila).
Tumalon ng 7.78m si Dagmil, para sumegunda sa kanyang heat sa likuran nang nangunang si Bin Marzouq Ahmed Faez ng Saudi Arabia, na may tinalo na 7.94m sa unang tangka pa lamang.
Sa heat ni Delicano, pumangalawa ito sa kanyang nailistang 7.66m sumunod sa Arabo din na si Al Saba Husain Taher na may 7.67m.
Papana na rin sina Jasmin Figueroa, Rachelle Ann Cabral at Katherine Santos sa womens individual qualification (FITA) sa Lusail archery range.
At sa kalalakihan naman babanderahan ito nina Paul Marlon dela Cruz, Mark Javier, Marvin Cordero at Christian Cubilla
Hindi rin pinalad ang sepak takraw team nang yumuko sa womens regu kontra sa Thailand, 2-0.
Bigo rin sina Heidi Ilustre at Diane Pascua sa Thai duo, 22-20, 21-13 gayundin ang magpartner na sina Rhovyl Verayo at Parley Tupaz na sumadsad sa Indon pair, 19-21, 21-19, 15-10 sa beach volleyball event sa Sports City.
Umusad sa susunod na round ng mens 8-ball singles billiards si Leonardo Andam na namayani kay Hoang Lam Nguyen ng Vietnam, 9-2.