Umabot na sa 80 round ang bilang ng sparring ng 19-anyos na pambato ng Bohol para sa kanyang pakikipagsalpukan kay Andrade.
"Hopefully, after three more fights I can have a shot at a world title," sambit ni Bautista, nagdadala ng perpektong 20-0 win-loss record kasama ang 15 knockouts. "I still need to win against Andrade first."
Kumpiyansa si Bautista na masusundan niya ang naging tagumpay ni super featherweight Manny Pacquiao laban kay Mexican legend Erik Morales noong Nobyembre 18 sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
Ito ay bunga na rin ng pamamahala ni American trainer Freddie Roach sa kanyang training sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Ibinabandera ni Andrade ang kanyang matayog na 52-9 card tampok ang matinding 43 KOs laban sa batang professional boxing career ni Bautista, ang sinasabing susunod sa mga yapak ni Pacquiao.
Bago sagupain si Andrade, dalawang sunod na nabigo si Bautista na makaakyat sa lona bunga ng pagkakasakit at pagkakaroon ng injury sa kanyang collar bone.
Ang Bautista-Andrade fight ay isa lamang sa mga undercards sa world middleweight title defense ni Winky Wright kay Ike Quartey. (RCadayona)