Malinis na baraha itataya ng Hapee

Isang hamon ang ibinigay ni head coach Jun Noel sa Hapee-PCU para sa torneong ito. At ito naman ang nasusunod ng mga Teethmasters. 

Ang hamon ni Noel sa Hapee-PCU ay makaani ng respeto mula sa mga koponan patungo sa hinahangad nilang korona na huli nilang natikman tatlong taon na ang nakararaan. 

"I’m happy with the way my boys are responding to my challenge, but I stressed to them time and again the value of discipline and hard work," ani Noel. "All the teams in the league are strong, so we can’t afford to relax." 

Nasa mainit nilang simula, itataya ng Teethmasters ang kanilang malinis na baraha laban sa TeleTech Titans ngayong alas-4 ng hapon makaraan ang banggaan ng Sista Super Sealers at Mail & More Comets sa alas-2 sa Olivarez Sports Center sa Parañaque. 

Tangan ng Hapee-PCU ang matayog na 4-0 karta sa itaas ng Harbour Centre (2-1), Cebuana Lhuillier (2-1), Sista (2-1), TeleTech (1-1), Toyota Otis (1-2), Mail & More (1-2), Magnolia (1-2) at Kettle Korn-UST (0-4).    

Isa ang Sparks ni Louie Alas, sumegunda sa Port Masters ni Jorge Gallent sa nakaraang PBL Unity Cup Finals, sa mga itinuring na ‘acid test’ ni Noel na tinalo naman ng Teethmasters, 75-65, noong Sabado. 

Sina Jason Castro, Larry Rodriguez, Mark Moreno, Rob Sanz at Mark Borboran ang inaasahang magdadala sa Hapee-PCU kontra kina Al Magpayo, Ariel Capuz, Francis Mercado, Eugene Tan at Kim Valenzuela ng TeleTech ni Jerry Codiñera. 

Katulad ng Teethmasters, nagmula rin sa panalo ang Titans matapos gibain ang Comets, 79-70, noong Sabado tampok ang kabayanihan nina Eugene Tan at Francis Mercado. 

Sa unang bakbakan,  magtatangka naman ang Super Sealers ni Caloy Garcia at Comets ni Lawrence Chongson na makabawi mula sa nalasap nilang kabiguan. (Russell Cadayona) 

Show comments