Hardball

Simula sa Lunes, alas-10:30 ng gabi, magbabago na ang mapa ng Philippine sports television. Ilulunsad na sa ABS-CBN News Channel (ANC) ang kauna-unahang daily sports talk show sa bansa: Hardball.

Araw-araw, sa loob ng 30 minuto, pag-uusapan ang mga nagbabagang isyu sa sports ng inyong lingkod, kasama ang kilalang sports broadcaster na sina Boyet Sison (PBA Radio at Rock990) at Jinno Rufino (SportsTV at Hotwire). Walang kakampihan at lahat ay sisiyasatin.

Tatangkain ng programa ang magkaroon ng malalim na usapan tungkol sa mga isyu sa sports na tila walang katigil-tigil. Sa unang araw pa lamang, pag-uusapan ang labanang Manny Pacquiao-Erik Morales. Panauhin ang aktibong international referee na si Bruce McTavish, na aming dadayuhin sa kanyang tahanan sa Pampanga.

Sa Martes, ikalawang araw namin, makakasama namin si Robin Padilla, chairman ng Muaythai Association of the Philippines, at kakapanayamin namin.

Ilalahad ng aktor ang kanyang mga plano para sa sport na mahal na mahal niya. Natuwa si Robin sa pagpapahalaga ng kultura ng mga Thai sa tradisyunal na sport na ito.

May nakabangko pa kaming mga panayam sa mga retiradong NBA players na ilalahad at tatalakayin din ang darating na Asian Games sa Doha, Qatar. Makatotohanan ba ang paniniwalang makakakuha tayo ng limang gintong medalya.

May bahagi pa ang Hardball na tinaguriang "First Five", kung saan limang isyu ang aming tatalakayin sa loob lamang ng limang minuto. Hindi lamang iyon, mamimigay kami ng mga premyo sa mga masugid na manonood. Sa unang araw pa lamang, ipamimigay namin ang isang Manny Pacquiao t-shirt.

Abangan mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng gabi sa ABS-CBN ANC ang programang Hardball. Para sa mga talagang mahihilig sa sports ito.

Show comments