Sinabi ni national bowler Jojo Canare na pinagtitiyagaan na lamang nila ang sirang air conditioning unit sa Bowling Center sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) kaysa magbayad ng mahal na renta sa mga commercial centers.
"Sira yung aircon sa PSC Bowling Center at siyempre, nakakaapekto yon sa approach ng bola sa lane," wika ni Canare, isa sa mga national bowlers na naghahanda para sa 15th Asian Games sa Doha, Qatar.
Ayon kay Canare, mula sa pang tanghaling sesyon, inilipat na lamang nila sa hapon ang kanilang pagsasanay.
"Kapag ganoon kasing mainit yung lugar, maaapektuhan yung lanes at yung approach," sabi ni Canare. "So ang ginawa namin, inilipat namin yung time namin from 1 to 2 in the afternoon to 5 to 7 in the evening para hindi mainit."
Ang bowling ang isa sa tatlong sports na nagbigay ng gintong medalya sa Team Philippines sa 2002 Asian Games sa Busan, Korea bukod ang equestrian at billiards and snooker.
Nakipagtambalan si four-time World Cup champion Paeng Nepomucenokay RJ Bautista para makuha ang gintong medalya sa mens doubles event sa 2002 Busan Asiad.
Hangad ng bowling team, kinabibilangan nina Canare at World Cup titlist CJ Suarez, na maduplika o malagpasan ang naturang karangalan nina Nepomuceno at Bautista sa 2006 Doha Asiad sa Disyembre. (RC)