SBC, PCU nahirapan sa kalaban

Sa likod ng hindi paglalaro ng injured na si Sam Ekwe, naitakas ng San Beda College ang 75-72 panalo laban sa National University sa Collegiate Champions League sa San Beda gym kahapon.

Binasag ni Yousif Aljamal ang 72-all patungo sa 50 segundo ng labanan upang ilagay sa trangko ang Lions at na-split naman ni Pong Escobal ang kanyang freethrows sa huling pitong segundo ng labanan at gumamit ang Bedans ng mahigpit na depensa para makasulong sa quarterfinals.

Sumandal naman ang Philippine Christian University Dolphins kay Jason Castro upang takasan ang mahigpit na hamon ng AMACU Titans, 95-88 sa unang laro.

Umiskor si Castro, nanguna para sa PCU Dolphins sa kanilang finals series kontra sa San Beda College sa NCAA, ng apat na sunod na puntos sa panigurong 6-0 run ng Philippine Christian sa endgame para makasulong ang Dolphins sa susunod na round.

Show comments