Umalis nung Biyernes patungong Hong Kong ang buong San Beda Red Lions team, kasama ang coaching staff pati ang mga ballboys.
Sa Marco Polo sila naka-check in.
Habang ang mga taga-Metro Manila at ang majority ng mga fans nila ay nagdusa sa brownouts at tumba-tumbang poste at kawad ng kuryente, nagpasarap sa Hong Kong ang bagong NCAA champions.
Namasyal sila sa Disneyland, sa Ocean Park at nag-shopping sa Mongkok. Sa dami ng mayayamang alumni na nakasuporta sa kanila, marami silang dalang bonus money para sa shopping nila.
Apat na araw at tatlong gabi sila sa Hong Kong at nakabalik sila rito nung Lunes ng gabi.
Kinabukasan, balik practice sila para paghandaan naman ang Champions League which is coming very soon.
Nung Miyerkules ng gabi, sa PGA Tours sa Pasig, isang mayamang alumnus na naman ang nag-host ng dinner para sa kanila.
Walang katapusang selebrasyon!
"Nag-enjoy kaming lahat, ang sarap nang naging bakasyon namin," kuwento ni Yousif Aljamal.
Hindi pa sigurado kung makakapasok ang San Beda as a team sa darating na PBL dahil wala pa raw sinasabi sa kanila hanggang ngayon. Kapag hindi nakasali ang San Beda as a team, maglalalaro si Aljamal sa Henkel, ang team na kumuha ng franchise ng Welcoat sa PBL.
Nung Martes, isang motorcade ang ginanap sa paligid ng UST at para silang mga artista sa pumarada sa film festival. Sinalubong sila ng napakaraming tao, at hitsura ng pagsalubong kay Manny Pacquiao sa dami ng tao.
Idineklarang walang pasok sa UST pero hindi mapigil ang mga estudiyante na pumunta pa rin sa eskuwela at nagsuot pa ng dilaw na t-shirt dahil naging "yellow day" ito para sa UST.
Hitsura ng EDSA celebration sa dami ng taong naka-yellow.
Hindi pa nagkasya sa isang araw kaya nung Miyerkules, itinuloy ang selebrasyon.
Nagkaroon ng misa sa quadrangle, nagkaroon ng autograph signing, at may street party pa sa gabi kung saan pinasaya sila ng mga bandang tulad ng Parokya ni Edgar at Sponge Cola.
Nakakaloka dahil wala ring tigil ang dinner at lunch in honor of the new UAAP champions.
Sa ngayon, inaayos na ang bonus trip nila na posibleng magpasyal sa kanila sa Beijing at Hong Kong.
Tulad ng Red Lions, balak ding pumunta ng Tigers sa Hong Kong Disneyland.
O di ba bongga?
Hindi pa rin sigurado kung papasok ang UST as a team sa PBL pero sa ngayon, under negotiation with two airlines sa maaring pagsali nila sa PBL.