At makikita ito sa winner-take-all match ng Ateneo de Manila University at University of Santo Tomas para sa titulo ng UAAP mens basketball tournament.
Asahang dudumugin ang Araneta Coliseum para sa alas-3:00 ng hapong sagupaan ng ADMU Blue Eagles at UST Tigers sa Game-Three ng kanilang title series.
Tiyak na punumpuno ng aksiyon at tensiyon ang labanang ito na babasag ng 1-1 pagtatabla ng best-of-three championship series.
"Puso na lang dito (Game 3)," pahayag ng UST rookie coach na si Pido Jarencio. "Siguro slight adjustment na lang during the game, pero ang mas importante sa ganitong sitwasyon puso ng buong team."
"The first two games showed that this series is a tight race. The most important thing is which team executes well in the final stretch," sabi naman ng Ateneo coach na si Norman Black na hangad masundan ang koronang nakuha ng Eagles, apat na taon na ang nakakaraan at ikaapat na korona sa kabuuan.
Lumabas ang tunay na tapang ng Santo Tomas Tigers nang kanilang iposte ang impresibong 87-71 panalo sa pagbibida nina Dylan Ababou at Jojo Duncil na may pinagsamang 42-puntos noong Huwebes.
Dahil ito, napagkaitan ng sweep ang Eagles matapos itakas ang 73-72 panalo noong Linggo sa kabayanihan ni Doug Kramer na umiskor ng winning basket.
Inaasahang mamimintina nina Duncil at Ababou ang kanilang performance at makabawi naman si Jervy Cruz mula sa nakaraang laro para sa Tigers na tatapatan naman nina JC Intal, Macky Escalona, Chris Tiu, Zion Laterre at Rab Al-Hussaini. (Mbalbuena)