Inilabas ng 26-anyos na si Orcollo ang kaalaman sa pool sa knockout game nila ni Niels Feijen upang mangibabaw sa 8-5 iskor at makasama si Mika Immonen na umabante sa Group 80.
Nangailangan ng knockout game sa pagitan nina Orcollo at ng Netherland cue artist dahil ang dalawang manlalaro ay mayroong 3-1 karta bago sumabak sa ikalima at huling laro sa grupo.
Hindi naman nagpahuli si Reyes na inilabas ang kanyang mahika sa ibabaw ng pool table at kumubra ng 3-2 panalo para makasama si Oliver Ortmann na umabante sa Group 81.
Pero kinailangan ni Reyes na isama sa kanyang mga tinalo ang kababayang si Pagulayan, 8-6, na isa sa dahilan ng pagkakasibak ng huli na mayroon lamang 2-3 baraha.
Ang iba pang tinalo ni Reyes ay sina Thomas Engert, 8-3, at Dimitri Jungo, 8-3.
Nagwakas naman ang naunang matikas na paglalaro ni Bustamante nang matalo ng tatlo sa limang laban upang mamaalam na rin sa hangaring pangunahan ang kompetisyon na magbibigay ng $500,000 buhat sa $3 milyong kabuuang premyo.
Matapos ang 18-0 karta sa naunang apat na yugto, tinakasan ng suwerte si Bustamante na yumuko kina Rodney Morris (8-7), Karl Boyes (8-4) at David Alcaide (8-6).
Si Morris (4-1) at Corey Deuel (3-2) ang pinalad na makalusot sa grupo at makasama ng apat pang manlalaro na sasagupa sa isang ikutan na semifinals na magdedetermina ng finalist ng torneo.
Bigo man ay nagkaroon naman ng pakonsuwelong $41,995 si Bustamante habang $34,365 naman ang iuuwi ni Pagulayan.
Ang mga mabibigo sa semifinals ay makakatanggap naman ng $92,000, $80,000, $66,000 at $50,000 para sa ikatlo hanggang ika-anim na puwesto.