Goma, galit sa PNSA

Ikinagalit ni actor-sportsman Richard Gomez ang pagkakaalis sa kanya sa national team ng Philippine National Shooting Association (PNSA) para sa 15th Asian Games sa Doha, Qatar. 

Sinabi ni Gomez na ang pagkakadiskubre niya ng anomalya ukol sa presyo ng mga shooting equipment sa nakaraang 23rd Southeast Asian Games noong 2005 ang posibleng dahilan ng pagkakasipa sa kanya sa tropa. 

Wala namang opisyal na pahayag ang PNSA, nasa ilalim ng pamamahala ni Arthur Macapagal hinggil sa naturang pahayag ni Gomez. 

Subalit sa isang radio interview ng DZSR kay national shooter Nathaniel "Tac" Padilla, kinumpirma nito ang pagkakasibak kay Gomez sa national squad para sa 2006 Doha Asiad na nakatakda sa Disyembre 1-15.  Sa nakaraang 2005 Philippine SEA Games, pumutok ang mga national shooters ng 3 gold, 4 silver at 2 bronze medals. 

Walang nakuhang medalya si Gomez, isa ring national fencer, mula sa kanyang sinalihang shotgun air pump event matapos magtapos bilang fourth placer. 

Sa kabila ng kabiguang makakuha ng medalya sa shooting, gintong medalya naman ang naiambag ni Gomez sa limang natusok ng Philippine Amateur Fencers Association (PAFA) sa naturang biennial event. 

Kabuuang 5 gold, 2 silver at 6 bronze medals ang nahugot ng mga Filipino fencers sa nasabing kompetisyon. (Russell Cadayona) 

Show comments