SMC-RP vs Saudi Arabia sa Brunei

Panibagong team ang magiging komposisyon ng San Miguel-Pilipinas na magtatanggol ng korona sa Brunei Cup sa pagsisimula ng kanilang kampanya laban sa Saudi Arabia sa National Indoor Stadium sa Brunei.

Ang koponang tumalo sa Lebanon team ay magkakaroon ng transisyon sa pagpasok nina Mark Telan at Niño Canaleta ng Air21, Dorian Peña, Dondon Hontiveros at Danny Seigle ng SMBeer.

Pinalitan nila sina Jimmy Alapag, Mick Pennisi, Dennis Miranda, rookies Arwind Santos at Fil-Am Kelly Williams.

Nakatakda ang laro sa ganap na alas-9:00 ng gabi.

Ang iba pang miyembro ng team ay sina RP-Lebanon series holdovers Ranidel de Ocampo ng Air21, Mike Cortez at Willie Miller ng Alaska Aces, at sina Don Allado, Renren Ritualo at Asi Taulava ng Talk ‘N Text Phone Pals. Ang assistant coach na si Aboy Castro muna ang magmamando ng koponan hanggang sa dumating si national mentor Chot Reyes, mula sa Taipei sa Aug. 21.

Makakasagupa ng Nationals ang South Korea sa Aug. 20 (3:00 p.m.), kasunod ang Darwin All-Stars ng Australia sa Aug. 21 (7 p.m.), Barangay Ginebra sa Aug. 23 (9:00 p.m.), at Jordan sa Aug. 25 (7:00 p.m.). Sa August 26 ang crossover semifinals at championship kinabukasan. (Mae Balbuena)

Show comments