"Ang play talaga is for Marc (Cagoco) to take the shot. But since nadepensahan na siya, ipinasa niya kay Mark (Pradas)," wika ni mentor Ariel Vanguardia sa Jose Rizal, may 3-8 rekord ngayon sa ilalim ng San Beda (9-1), nagdedepensang Letran (9-1), PCU (8-3), Mapua (6-5), UPHD (3-7) at San Sebastian (3-7) kasunod ang St. Benilde (1-10).
Bago ang naturang winning basket ni Pradas para sa Heavy Bombers, isang tres muna ang isinalpak ni Derryl Santos para sa 63-62 abante ng Dolphins, naglista ng 35-25 bentahe sa third period at 60-55 lamang sa huling 2:02 ng final canto, sa nalalabing 11.7 tikada.
Sa kabila nito, kailangan pa ring mawalis ng Jose Rizal, huling naghari sa NCAA noong 1972, ang kanilang huling laro kontra UPHD, San Sebastian at sibak nang St. Benilde para makahirit ng playoff para sa No. 4 spot sa Final Four.
Sa ikalawang laro, iginupo naman ng Cardinals ang Blazers, 60-42, sa likod ng 15 puntos ni Raymund Tiongco, 9 ni Sean Co at 8 ni Jeoffrey Gonzales, humaltak rin ng 11 rebounds.
Ang nasabing panalo ang tumapos sa dalawang sunod na kamalasan ng Mapua ni Horacio Lim para patatagin ang kanilang hawak sa No. 4 spot.Sa juniors division, tinalo ng Baby Dolphins (7-2) ang Light Bombers (5-4) mula sa kanilang 68-60 tagumpay. (Russell Cadayona)