Sosyo sa ikalawang puwesto asam ng AdU at UST

Nakataya ang pakikisosyo sa ikalawang puwesto sa sagupaan ng Adamson University at University of Santo Tomas sa pagpapatuloy ng UAAP seniors basketball tournament sa Ninoy Aquino Stadium.

Tampok na laro ang sagupaan ng Adamson Falcons at UST Tigers sa alas-4:00 ng hapon pagkatapos ng engkwentro ng University of the Philippines at ng National University sa alas-2:00 ng hapon sa unang seniors game.

Magkasalo ang Santo Tomas at ang Adamson sa 2-2 win-loss slate at ang magtatagumpay sa dalawang koponang ito ang makakasosyo ng University of the East sa 3-2 record sa likod ng nangungunang Ateneo De Manila University na may 5-0 win-loss slate.

Magkasalungat ang naging kapalaran ng Falcons at ng Tigers sa kanilang huling asignatura.

May bentahe ang Adamson laban sa Tigers dahil sa pagkawala ng kanilang dalawang players.

Undermanned na ang Tigers sa pagkakasuspindi ng kanilang leading scorer na si Jemal Vizcarra.

Si Vizcarra ay magsisilbi ng kanyang one-game suspension matapos itong mapatalsik sa kanilang 85-98 pagkatalo sa National University dahil sa panghe-headbutt nito kay Dave Catamora.

Sa juniors division, maghaharap ang UE Pages at ang UP Integrated School sa pambungad na laro sa ganap na alas-10:00 ng umaga na susundan naman ng sagupaan ng AdU Baby Falcons at ng FEU Baby Tams sa alas-12:00 ng tanghali. (MBalbuena)

Show comments