Blue Eagles mataas pa rin ang paglipad

Pinigilan ni forward Doug Kramer ang pagbangon ng defending champion Far Eastern University upang hatakin ang league leader na Ateneo De Manila University sa 76-74 panalo sa pagpapatuloy ng UAAP men’s basketball tournament sa Ninoy Aquino Stadium kahapon.

Umiskor si Kramer ng dalawang jumpers at dalawang charities papasok sa huling nalalabing minuto ng labanan na sumira sa opensibang pinakawalan ng FEU Tamaraws tungo sa pagsulong ng ADMU Blue Eagles sa ikaapat na sunod na panalo para manatiling nagsosolo sa pangkalahatang pamumuno.

Ang produksiyon ni Kramer ay naglayo sa Ateneo sa 75-71 at tuluyang nasiguro ng mga bata ni coach Norman Black ang panalo matapos ang offensive foul ng Tamaraw guard na si Jonas Villanueva sanhi ng turn-over papasok sa huling 14.5 segundo ng labanan.

Lalong nabaon ang Far Eastern sa ilalim ng team standings matapos malasap ang ikaapat na sunod na talo sa gayon ding dami ng laro.

Pinangunahan ni Kramer ang Ateneo sa kanyang tinapos na 20-puntos bukod pa sa kanyang 10 rebounds, dalawang assists at isang block na sinuportahan naman nina Intal at Escalona ng tig-13-puntos.

 Sa unang laro, nakabawi naman ang host University of the East sa kabiguang sumira ng kanilang back-to-back win matapos pasadsarin ang National University, 9690. (Carmela Ochoa)

Show comments