Ngunit para kay Ailene Tolentino, kinailangan niya ng ambon ng suwerte upang makopo ang titulo sa womens division.
Halos di nakatanggap ng mahigpit na hamon ang 4-foot-11 lamang na si Buenavista, kilala sa tawag na Vertek, na ginawa lamang training ang pagtakbo sa NCR qualifying run na ito na nagsimula sa harap ng Rizal Park at nagtapos sa Grandstand sa Luneta kahapon ng umaga.
Malayo man sa kanyang best-time na 2-hours at 18-minuto, nasiyahan si Buenavista sa kanyang oras na 2:33.10 sa kanyang unang 42-kilometer full marathon na sinalihan sapul nang kumampanya ito sa nakaraang Southeast Asian Games kung saan nakapagsubi lamang ito ng silver.
Bakit nga naman hindi matutuwa si Buenavista, sa loob ng anim na buwan, isang beses pa lamang ito kumarera sa 25K New Balance Marathon noong Mayo dahil kinailangan nitong sumailalim sa Basic Military Training sa Lipa, Batangas bilang Airman 2 ng Phil. Airforce.
Bukod pa dito ay nagsubi ang 27-gulang na si Buenavista, kampeon ng Milo Marathon noong 2002, ng P30,000 kasama ang isang magarang tropeo bukod pa sa tsansang manalo ng mas malaking premyo sa national finals sa December 10 kung saan nakataya ang P50,000 para sa national champion.
"Target ko talaga dito na ma-improve yung record ko na 2:40.00 para at least gumaganda ang time ko kada race na sinasalihan ko ," wika ng beteranong runner na si Buenavista na hindi kinabahan kahit nilagpasan ito ni Mamerto Corpuz, dahil mabilis naman niya itong inabutan nang magsimula siyang maghabol sa huling 15 kilometers ng karera papasok sa PICC at tuluyang nakalayo sa huling 5-km ng karera.
Sa ikalawang pagtakbo ni Tolentino sa full-marathon, gumawa na ito ng pangalan sa eded na 19-gulang lamang.
Nagtapos lamang bilang fifth place ang tubong Cagayan de Oro City na si Tolentino sa national finals noong nakaraang taon ngunit ang oras ng criminology student sa La Salle-Dasmariñas na 3:12.26 ay nagkaloob sa kanya ng NCR title para sa womens division at P30,000 na premyo na buong puso nitong ipadadala sa kanyang mga magulang.
"Suwerte-suwerte lang kasi wala naman mabibigat na kalaban," wika ni Tolentino, Cagayan De Oro leg titlist noong nakaraang taon.
Pumangalawa lamang si Corpuz kay Buenavista sa oras na 2:34.08 na sinundan ni Reynaldo delos Reyes, 2:45.19 para sa runner-up at third place na may katumbas na P20,000 at P10,000 premyo ayon sa pagkakasunod dagdag ang tropeo. Sumegunda naman kay Tolentino si Geraldine Sealza (3:52.26) kasunod si Daisy Castillon (3:52.41) para sa P20,000 at P10,000 na premyo ayon sa pagkakasunod. (Carmela V. Ochoa)