Wala pa ring talo ang Letran

Naglaro ng malaki ang maliit na si Boyet Bautista sa pag-angkin sa liderato ng nagdedepensang Letran College.

Kumolekta ang 5-foot-8 na si Bautista ng 30 puntos, 21 rito ay kanyang hinugot sa first half, 6 rebounds, 1 assist at 1 steal upang tulungan ang Knights sa 62-54 pananaig kontra sa karibal na PCU Dolphins sa 82nd NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

"If not for Boyet we don’t know where Letran would be in the standings. He’s the team leader," ani coach Louie Alas kay Bautista na naghulog ng pitong 3-point shots para sa opensa ng Intramuros-based cagers na nagbabandera ngayon ng 4-0 rekord kasunod ang 4-1 ng San Beda at 4-2 ng PCU, 3-2 ng Mapua, 2-3 ng University of Pepetual Help Dalta, 2-4 ng San Sebastian, 1-4 ng College St. Benilde at 0-4 ng Jose Rizal University.

Sa inisyal na laro, tinalo naman ng Mapua ang St. Benilde, 79-74, tampok ang limang tres ni Joeferson Gonzales sa second half para sa ikalawang sunod na pagkamada ng Cardinals ni Horacio Lim. (Russell Cadayona)

Show comments