Ayon kay Austria, tumayong team consultant sa naturang torneo, mabubura lamang ng Elasto Painters ang nasabing bangungot kapag nanalo sila sa Spinners.
"We can only put that ugly memory behind us if we win," sabi ni Austria. "Thats why I told the boys to give their best to win."
Kapwa hawak ang twice-to-beat incentive, sasagupain ng Rain Or Shine ang Magnolia ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang upakan ng Granny Goose at Harbour Centre sa alas-4 sa quarterfinal round ng 2006 PBL Unity Cup sa Olivarez College Sports Center sa Parañaque.
Sa nakaraang PBL Heroes Cup, kinuha ng Elasto Painters ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-five titular showdown ng Spinners bago kunin ng huli ang sumunod na tatlong laro para angkinin ang titulo.
Aminado si Austria na ang pagiging overconfident ang pangunahing problema ng Rain Or Shine ngayon, nahulog sa isang four-game losing slump bago nanalo sa Magnolia, 74-69, noong Sabado para ibulsa ang No. 4 berth sa quarterfinals.
Sa ikalawang laban, pipilitin rin ng Granny Goose na sarhan ng pintuan ang Harbour Centre, winalis nila sa quarterfinals ng PBL Heroes Cup.
Ang No. 1 Toyota Otis at No. 2 Montaña Pawnshop ang siyang sumikwat ng dalawang outright semifinals ticket. (Russell Cadayona)