Dalawang linggo matapos makita ang pagkabigo ni Rodel Mayol na maagaw ang WBC minimum-weight title kay Eagle Kyowa, aakyat si Jaca sa kuwadradong lona upang harapin si Nobuhito Honmo ng Japan na pilit na buburahin ang di magandang alaala sa huling laban ni Mayol.
Si Jaca ay lilipad bukas patungong Japan bitbit ang ilang buwang pagsasanay na sa kanyang pananaw ay sapat na upang talunin ang hometown bet.
Tinaguriang Executioner ang 22 anyos at may taas na 57, ang kaliweteng boksingero ay mayroong iniingatan na 25 panalo sa 27 laban at 12 rito ay sa pamamagitan ng KO at pupuntiryahin na makuha ang ikalawang titulo sa OBPF.
Noong Enero 2004 itinanghal na kampeon si Jaca sa OPBF super bantamweight division nang pabagsakin sa fourth round ang nakalabang si Pederito Laurente. Pero agad niyang isinuko ang titulo sa unang pagdepensa pa lamang nang matalo kay Isamu Sakashita noong Oktubre ng nasabing taon sa Kanazawa, Japan.
Bukod sa matinding pagsasanay, papasok din si Jaca taglay ang apat na sunod na panalo, ang huli ay laban kay Geronimo Hernandez nitong Enero 21 sa pamamagitan ng first round KO na ginawa sa Thomas and Mack Center sa USA.
Hindi naman dapat maliitin ni Jaca ang kalabang si Honmo dahil ang 29 anyos na Hapones na naipanalo ang 14 sa huling 15 na laban.
Maliban sa titulo sa OPBF ay gagamitin ni Jaca ang labang ito bilang tune-up fight laban kay Adrian Valdez ng Mexico na isa sa apat na undercard sa Manny Pacquiao-Oscar Larios fight sa Hulyo 2 sa Araneta Coliseum. (LMC)