Rain Or Shine, Toyota kakapit sa liderato

Sisikapin ng Rain or Shine at Toyota-Otis na manatili sa liderato sa pakikipagharap sa magkahiwalay na kalaban sa pagpapatuloy ng 2006 PBL Unity Cup na magpapatuloy sa Olivares Center sa Parañaque.

Hangad ng Elasto Painters na masundan ang malaking panalo laban sa dating solo leader na Montaña Pawnshop sa tampok na laro sa alas-4:00 ng hapong engkuwentro sa Hapee-PCU.

Mauuna rito ay ang pakikipagharap ng Toyota Sparks laban sa Harbour Centre sa ganap na alas-2:00 ng hapon.

Kasama sa three-way tie sa pangkalahatang pamumuno ang Rain Or Shine at ang Toyota Otis gayundin ang walang larong Jewels sa kanilang magkakatulad na 6-2 win-loss-slate.

Gulpi-sarado ang Teethmasters laban sa Rain Or Shine sa kanilang unang pagkikita, 48-66 ngunit inaasahan ni Elasto Painters coach Leo Austria na magiging mahigpitang labanan.

Bagamat nanalo ang Sparks sa Port Masters sa first round, 76-74, ayaw din pakasiguro ni coach Louie Alas sa kanilang tsansa laban sa Harbour Center na determinadong makabangon mula sa 2-7 karta. (CVOchoa)

Show comments