Lady Falcons solo lider na

Nalusutan ng Adamson University ang mahigpit na hamon ng Lyceum at hatakin ang 25-20, 26-24, 24-26,25-15 panalo at solohin ang liderato sa kanilang dalawang panalo sa V-League na ipiniprisinta ng Shakey’s sa Ateneo Blue Eagle gym.

Nabigo sa kanilang kampanyang sweep, ibinuhos ng Lady Falcons ang lahat ng kanilang lakas sa ikaapat na set nang pigilan nila ang Lady Pirates sa pinakamababang output sa loob ng isang oras at 39 minutos na engkuwentro habang nasustina naman ang init para maiseguro ang kanilang ikalawang sunod na panalo.

Sa tulong ng guest player na si Cherry Macatangay sa firing end mula sa simula hanggang matapos, nag-ambag din ng malalaking puntos ang mga mainstays na sina Rissa Laguilles at Jacqueline So nang malusutan ng Adamson ang mainit na hamon ng Lyceum at maagang ituro ang daan sa 8-team tournament na presinta ng Shakey’s Pizza at suportado ng Accel, Mikasa at ABC-5.

Ang Lady Falcons, UAAP losing finalist ng UAAP ay namayani sa PCU Lady Dolphins, 25-14, 25-20, 25-20, noong opening ng liga noong Sabado.

Ipinakita ni Macatangay ang kanyang tunay na porma sa ikalawang sunod na pagkakataon nang humatak ito ng 24 kills mahigit sa kalahati ng kabuuang output ng koponan sa atake (57).

Dumukot din ito ng ilang service points at naging susi sa non-scoring skills-- sa dig at reception.

Kasalukuyan namang naglalaban ang San Sebastian at PCU habang sinusulat ang balitang ito.

Show comments